Miyembro umano ng Abu Sayyaf arestado sa Zamboanga City

ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2019 04:54 AM | Updated as of Sep 25 2019 02:29 AM

RJ Rosalado, ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY—Nahuli ng mga pulis ang isang hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group sa isang government resettlement area sa Zamboanga City Lunes ng gabi.

Naaresto si Amran Dala, 32 anyos, na taga-Maluso, Basilan sa isang bahay sa Azcuna resettlement area sa Barangay Mercedes.

Ayon sa pulisya, nahaharap sa 4 na kaso si Dala, kabilang dito ang 2 murder case, isang attempted murder, at isang kaso ng kidnapping with serious illegal detention.

Isa umano siya sa mga bandido na responsable sa pagdukot kay Michael Singson noong 2009 sa Maluso, Basilan.

Pinatay ng mga bandido ang biktima matapos tumanggi ang pamilya na magbayad ng ransom.

Isa si Dala sa mga masugid na taga-suporta ni Abu Sayyaf commander, Furuji Indama, na patuloy na tinutugis ng militar sa Basilan, dagdag ng pulisya.

Sa isang panayam, mariing itinanggi ni Dala na naging miyembro siya ng Abu Sayyaf Group sa Basilan.

Wala rin umano siyang alam sa Singson kidnapping dahil nasa Zamboanga City na umano siya ng mga panahong nangyari ang insidente.

"Never sir ako naging miyembro kasi dito na ako sa Zamboanga nag-stay, pagka-graduate ko ng 2006 sir. Nakauwi lang ako ng Basilan pagka-after ko mag-graduate, pag-2008 bumalik ako dito sir," ani Dala.

Inamin naman ni Dala na may nakabinbin siyang kasong murder sa korte, kasama ang kaniyang tatay at isang kapatid.

Pero napagbintangan lang umano sila at pumayag na umano ang complainant na iatras ang kaso.

"Sa kalaunan sir, nalaman din ng mga biktima na hindi 'yung tatay ko ang naka-ano, pumatay, so nakipag-areglo din sila sa amin," ani Dala.

Sa ngayon, inaalam pa ng mga pulis kung kabilang din ang pangalan ni Dala sa iba pang mga kaso na may kaugnayan sa mga bandido.

Hinahanap din nila ang kasama nito na miyembro din umano ng Abu Sayyaf Group.—Ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.