Kakulangan ng palikuran hamon sa pagbabalik ng polio: DOH

ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2019 07:27 PM | Updated as of Sep 24 2019 09:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA – Kawalan ng sariling palikuran ng maraming Pilipino ang isa sa pangunahing dahilan ng pagbabalik ng polio virus sa Pilipinas, ayon sa Department of Health. 

Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, nasa 3 hanggang 3.5 milyong kabahayan ang walang palikuran, karamihan umano ay nasa Metro Manila. 

Nakukuha ang polio sa dumi ng tao at maaaring makuha kapag makahawak ng dumi ng mayroong polio. 

"Ang dumi ng tao itatapon kung saan, diretso sa ilog o ibabaon. So nagkakaroon ng access for contamination," ani Domingo. 

Noong nakaraang linggo inanunsiyo ng DOH na nagbabalik ang polio sa bansa matapos ang halos 2 dekada. 

Kabilang sa mga nabiktima noon ng polio si Christian Jay Tayao, na nakuha ang sakit noong bata pa siya. 

Ngayong nakabalik ang polio virus sa bansa, ayaw na niyang magkaroon nito ang kaniyang anak. 

"Mahirap danasin yung polio 'pag 'di nila alam. Siyempre mag-aalala ka kasi may anak ka eh," ani Tayao. 

Nakaranas siya noon ng panghihina ng mga kalamnan o iyong acute flaccid paralysis (AFP) na isa sa mga sintomas ng polio. 

Sa datos ng Department of Health, mula sa 264 na kaso ng AFP ngayong taon, 40 porsiyento ang hindi siguradong nabigyan ng OPV. 

Limang porsiyento naman dito ang kumpirmadong walang bakuna kontra polio. 

Samantala, hamon sa DOH ang pagkakatapyas ng halos P10 bilyon sa budget nito sa 2020. Pero tiniyak ni Domingo na hindi apektado ang programa nila sa mga bakuna. 

"Mayroon ngang nabawas na parang 9.3 billion, most of that is 'yung Health Facilities Enhancement Program natin. Yung ating National Immunization Program hindi naman nabago yan,” ani Domingo. 

Ang polio ang ikatlong sakit na idineklarang may outbreak sa bansa ngayong 2019. 

Muli ring nagpaalala ang DOH na iwasang dumumi kung saan-saan para hindi kumalat ang polio virus. 

Sasabihin ng DOH sa mga susunod na araw kung saan gagawin ang malawakang bakuna kontra polio. --Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.