Babae natagpuang patay sa loob ng kanilang bahay

ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2018 06:35 PM

KIDAPAWAN CITY - Natagpuang patay sa loob ng isang bahay sa Barangay Lanao sa lungsod na ito ang isang 21-anyos na babae Sabado ng gabi.

Tadtad ng sugat ang katawan ng biktimang si Angelica Fernandez nang makita sa loob ng bahay ng kaniyang lola.

Base sa imbestigasyon, mahigit 10 beses pinagtataga sa ulo, mukha, leeg, at braso ang biktima.

Mag-isang natulog sa bahay ng kaniyang lola si Fernandez noong Biyernes pero Sabado na ng gabi nang madiskubreng patay na pala ito.

Ayon kay Police Superintendent Ramel Hojilla, hepe ng Kidapawan City police, nagtaka na lamang umano ang mga kapitbahay nang hindi lumalabas si Fernandez.

"Kinabukasan nagtaka ang kapitbahay bakit hindi lumabas si Angelica. Sabi ng lola paki-check kasi sa Davao siya, na discover si Angel, 6pm. Doon natagpuan na duguan," aniya.

Walang bakod at napapalibutan ng mga puno ang bahay kung saan pinatay ang biktima.

Teorya ng pulisya, sa bintana sa likod ng bahay dumaan ang salarin na nasa isa hanggang dalawang tao.

Nawawala rin ang dalawang cellphone ng biktima na pinaniniwalaang tinangay rin ng salarin.

Nakababa ang underwear ng biktima nang matagpuan ang kaniyang bangkay kaya malaki ang paniniwala ng kaniyang pamilya na ginahasa muna ito bago pinatay.

Hinihintay pa sa ngayon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) at maging ng Kidapawan City Health Office ang resulta ng mga pagsusuri para malaman kung ginahasa nga ang biktima.

Nagpalabas na ng P100,000 na pabuya ang lokal na pamahalaan ng Kidapawan City para sa makapagtuturo sa salarin, buhay man o patay, ayon sa alkalde ng lungsod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.