2018 barangay, SK elections sa Marawi, 'mas mapayapa at mabilis'

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2018 06:35 PM | Updated as of Sep 23 2018 07:25 PM

MARAWI CITY - Mabilis na natapos ang special barangay at Sangguniang Kabataan elections na ginawa sa loob ng isang araw kung ikukumpara sa mga nagdaang eleksyon sa lungsod, ayon sa awtoridad.

Ayon kay Police Inspector Jane Solitario, ang chief for operations ng Marawi City Police, dahil umano ito sa matinding pagpaplano nila sa seguridad ng special elections. 

Dalawang araw pa bago ang eleksyon ay naglagay na sila ng maraming personnel sa mga polling places.

Sa dami ng mga pulis at militar sa eleksyon at sa masusing pag-iinspeksyon sa lahat ng mga pumapasok sa mga polling place, walang naipuslit na mga baril ang mga sibilyan. 

Maliban sa mga nagkasuntukan sa voting center sa Barangay Sagonsongan, sa Barangay Pandi lang din nagsilbing Board of Election Inspectors (BEIs) ang mga pulis. Hindi kasi sumipot ang BEI.

Kakasuhan din ang dalawang nahuling namili ng boto.

Sa kabila nito, nagkaisa ang Comission on Elections, mga awtoridad at iba’t-ibang election observers na payapa at matiwasay ang eleksyon dahil walang namatay. 

Naiproklama rin kaagad ang mga nanalo ng walang nagprotesta. 

Natapos ang proklamasyon ng lahat ng nanalo Linggo ng umaga.

Ayon naman sa Comelec, mas mababa lang sa inaasahan ang bomoto dahil maliban sa maraming bakwit ang hindi umuwi para bomoto, 46 lang sa halos 100 barangay ang may naglalaban para sa posisyon bilang barangay chairman.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.