Taxi nabangga ng tren sa Makati

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2019 10:50 AM

Kuha ng Makati Police

MAYNILA - Nabangga ng isang tren ng Philippine National Railways ang isang taxi sa Pio del Pilar, Makati City, nitong Linggo ng umaga.

Hindi rin nasaktan ang driver at ang sakay nitong pasahero.

Binabaybay ng taxi driver na si Martino Espiritu, 54, ang Osmeña Highway at paliko ng Gil Puyat Avenue nang tamaan ng tren ang kaniyang taxi, ayon kay Police Lt. Gemma Reyes, hepe ng Makati Traffic Bureau.

Ayon kay Espiritu, nabulaga na lang siya na may paparating na tren.

Mabuti na lang daw ay naikabig niya agad ang taxi, kaya harapang bahagi lang ng sasakyan ang natamaan.

Payo ng awtoridad sa mga tsuper, manatiling mapagmasid sa pagmamaneho at ugaliing mag-stop look and listen kung tatawid sa riles ng tren. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.