Pulis, holdaper patay sa engkuwentro sa Isabela

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2019 04:10 AM

ISABELA—Nasawi ang isang pulis sa engkuwentro ng mga hinihinalang holdaper sa bayan ng Ramon, sa lalawigang ito Biyernes ng hapon.

Kinilala ang pulis na si Police Staff Sgt. Richard Gumarang.

Napatay naman ang isang suspek, nahuli ang 2 nitong kasamahan, at nakatakas ang isa pa.

Ayon kay Police Brig. Gen. Jose Mario Espino, direktor ng Police Regional Office-Cagayan Valley, nangholdap umano ang 4 na lalaki sa isang empleyado ng construction firm sa Tuguegarao Biyernes.

Binasag ng mga suspek ang sasakyan ng biktima at tinangay ang bag nito na naglalaman ng P10,000, cellphone at iba pang gamit.

Agad tumakas ang mga suspek sakay ng pulang AUV at natunton sa Barangay San Miguel, Ramon nang maalarmahan ang mga pulis sa kalapit na bayan.

Tinamaan ng bala si Gumarang sa engkuwentro. Naidala pa siya sa ospital, pero binawian din ng buhay.

Narekober sa mga suspek ang isang M16 rifle at getaway vehicle. —Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.