Rescuers pinaalis sa Itogon landslide area dahil sa banta ng bagong pagguho

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2018 08:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv


Pinaalis nitong Biyernes ng Office of Civil Defense-Cordillera (OCD) ang mga rescuer, residente, at media mula sa landslide area sa Itogon, Benguet matapos makita ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na may mga bitak sa isang bahagi ng bundok.

Tigil muna ang paghuhukay, pero tuloy ang search, rescue, at retrieval operations dahil mag-iiwan ang OCD ng nasa 30 rescuer sa landslide area.

Bandang hapon, pinaalis na rin pati ang mga tao sa command center sa kalsada ng Bgy. Ucab. 

"Malambot na 'yung lupa dito. Prone to landslide [kaya] 'wag nang matigas ang ulo, umalis na at according sa MGB, declared danger zone na ito," babala ni Chief Supt. Rolando Nana, director ng Police Regional Office-Cordillera. 

Kailangan na ring umalis ng mga residente sa barangay kahit ayaw nila pero ang problema, wala silang relocation area.

"Dito sa Itogon walang relocation site kasi lahat na ng tinuturo ng Benguet Corporation is declared na by MGB as geohazard," ani Itogon, Benguet Mayor Victorio Palangdan.

Ayon kay Palangdan, naghahanap na sila ng maaaring tirahan ng halos 1,000 evacuees.

Nangako din umano ang Diocese of Baguio na sasagutin ang renta sa boarding house ng mga apektadong pamilya sa loob ng anim na buwan.

Sa huling ulat, pumalo na sa 32 ang bilang ng mga narerekober na bangkay sa pinangyarihan ng landslide.

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, nakarating na sa mga isolated barangay ng Benguet ang relief goods ng gobyerno na kinailangan pang i-airlift para lang makuha ng mga nasalanta ng bagyong Ompong noong nakaraang linggo. 

Kuwento ng ilan, tanim na kamoteng kahoy, pinya, at saba ang naging laman ng sikmura ng nasa 200 residente sa tatlong sitio sa Barangay Dalupirip sa Itogon.

Hindi kasi sila makatawid ng ilog dahil nasira ang tulay na magdurugtong sa sitio papunta sa sentro.

Isinakay sa chopper ng Philippine Air Force ang mga kahon ng relief goods ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Biyernes.

Mula noong Miyerkoles, higit 1,000 relief packs na umano ang naihatid sa iba't ibang isolated areas.


— Ulat nina Rapahel Bosano at Michelle Soriano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.