'Listahan ng mga pinasusukong convict nakitaan ng mga pagkakamali'

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2019 04:52 PM | Updated as of Sep 21 2019 11:41 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Pansamantalang ipinatigil ng Department of Justice ang pag-aresto sa mga pinalaya sa pamamagitan ng good conduct time allowance (GCTA) dahil nakitaan ng pagkakamali ang listahan para rito. 

Ayon kay Justice Undersecretary Markk Perete, nakakita ang DOJ ng higit 40 persons deprived of liberty (PDL) o mga nakapiit na hindi dapat kasama sa listahan. 

Ito ay dahil nabigyan na sila ng pardon o parole at hindi nakalaya sa pamamagitan ng GCTA. 

Itutuloy ang pag-aresto sa mga PDL kapag nalinis na ang listahan. 

Maaalalang nagbigay ng 15 araw na ultimatum si Pangulong Rodrigo Duterte para sumuko ang mga pinalaya ng BuCor simula 2014 sa pamamagitan ng kontrobersiyal na good conduct time allowance (GCTA) law.

Pumutok ang isyu sa komputasyon ng GCTA nang maudlot ang dapat sana'y paglaya ni convicted rapist-killer Antonio Sanchez.

Hanggang nitong alas-5 ng umaga, aabot na sa 2009 ang bilang ng mga sumuko, ayon sa DOJ, pero anila, higit na mas mataas ito kumpara sa nasa listahan ng Bureau of Corrections (BuCor) na umaabot sa 1914. 

Nilinaw ng Palasyo na nagpapatuloy pa rin ang mga warrantless arrest para rito, pero kailangan munang makipag-ugnayan sa DOJ. 

Dapat din daw manggaling ang kautusan sa Pangulo dahil dapat galing kay Duterte ang kautusan sa pagsuspinde sa pag-aresto ng mga convict na pinalaya. 

"It is only the Office of the President which can put on hold officially the re-arrest because the original order came from the President himself," ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Kahit pa man tapos na ang deadline na ibinigay ni Duterte, nagpapatuloy na sumuko ang ilang convict na nakinabang sa GCTA. 

Pero sa dami ng mga sumuko, hindi na sila nagkasya sa holding area kaya inilipat muna ang iba ng gusali. 

Mangiyak-iyak ang napalayang convict na si Edgardo, na balik-Bilibid mula Albay. 

Nitong Pebrero lang nakapiling ni Edgardo ang kaniyang mga apo matapos ang 27 taong pagkakakulong sa kasong robbery with homicide. 

"Pinagdusahan ko na ng 27 taon, di naman ako ang gumawa, tapos ngayon, dito na naman," maluha-luhang pahayag ni Edgardo. 

Naka-hold na rin ang mga sumukong PDL na may mababang sentensiya o non-heinous crime sa dami ng tao sa pasilidad. 

Kabilang dito ang asawa ni "Adelle" na nag-aalala sa 73 anyos na asawang si "Pio" hindi makalakad at makapagsalita. 

Nakulong ng 35 taon si Pio dahil sa murder at nitong 2018 lang nakalaya. 

"Wala siyang tulugan diyan. Parehas kami may sakit pero pinagtitiyagaan ko siya," ani Adelle. 

Umaasa naman ang mga convicts at kanilang pamilya na maisasaayos ang listahan ng BuCor sa lalong madaling panahon para makauwi ang mga karapat-dapat nang makalaya. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay National Capital Region Police Office chief Guillermo Eleazar, apat na convict na hindi sumuko ang naaresto nila sa kanilang manhunt operations Metro Manila. 

"Continuous ang aming monitoring pero pansamantala hold muna pag-aaresto," ani Eleazar. 

Ayon kay NCRPO chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar, galing Tondo, Manila ang dalawa sa mga suspek. Isa naman ang taga-Makati at isa ang taga-Muntinlupa -- pawang nakulong ang apat na suspek sa kasong rape. 

Bigo namang makulong ng NCRPO si Rolito Go, na na-convict sa pagpqatay sa De La Salle University student na si Eldon Maguan dahil sa away sa trapik noong 1991. Disyembre 2016 nang makalaya si Go. 

Sa panayam sa ANC, nilinaw ni Justice Sec. Menardo Guevarra na wala sa listahan ng mga napalaya sa GCTA si Go kaya hindi dapat pa siyang arestuhin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.