Libo-libong iskolar, 'nanganganib' dahil sa tapyas sa CHED budget

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2018 08:36 PM | Updated as of Jan 09 2020 03:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinangangambahang libo-libong estudyante ang posibleng mawawalan ng scholarship matapos tapyasan ng Department of Budget and Management (DBM) ang panukalang pondo ng Commission on Higher Education (CHED) para sa susunod na taon.

Ayon sa CHED, mula sa P83 bilyon panukalang pondo, nasa P50.4 bilyon lang ang inilaan ng DBM para sa kanila.

Pinakamalaking naapektuhan sa bawas sa pondo ang Student Financial Assistance Programs.

Mula sa P4,978,389,000 noong nakaraang taon, nasa P1,709,944,000 na lang ang inilaan para rito, ayon sa CHED.

Posibleng bumaba sa 122,398 ang bilang ng scholarship slots sa susunod na taon mula sa 388,424 slots nitong taon.

Damay sa tapyas ang scholarship para sa mga anak ng mga sugarcane worker, medical students at mga anak ng mga sumukong rebelde.

Iniisip ng CHED na ilagay ang mga maaapektuhang estudyante sa ilalim ng Tertiary Education Subsidy at humingi ng tulong sa Kongreso.

Pero wala raw katiyakang lahat ay makikinabang sa mga hakbang.

"Who will be covered, we will find out within the next two months unless Congress puts back funding," sabi ni CHED officer in charge Prospero De Vera.

Sa isang pahayag, hinimok ni Sen. Sonny Angara ang CHED na tiyaking "deserving" o karapat-dapat ang mga mapipiling estudyante na magiging saklaw ng Tertiary Education Subsidy.

--Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.