Pagpapahaba ng operating hours ng MRT, pinag-aaralan

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2019 08:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinag-aaralan ngayon ng pamunuan ng MRT-3 kung maaaring pahabain pa ang oras ng biyahe ng kanilang tren.

Ito ay dahil mas kakaunti ang sineserbisyuhang pasahero ng MRT kada araw, kung ikukumpara sa mga nakalipas na taon.

"One consideration, pinag-aaralan namin ang extension ng oras baka kakailanganin," ani MRT-3 director Michael Capati sa press briefing.

Ayon sa pamunuan ng MRT, nasa 13 hanggang 15 tren imbes na 20 hanggang 22 tren ang pinatatakbo ng MRT- 3 kada araw magmula nitong taon.

Nasa 30 kilometro kada oras naman ang average na bilis ng mga tren, imbes na 60 kph.

Dahil dito, nahati sa 300,000 ang pasaherong naseserbisyuhan ng MRT-3 kada araw mula sa 600,000. Hakbang daw nila ito sa ngayon para mas maging ligtas ang biyahe ng mga tren.

"Bumaba ang aming ridership as long as yung safety ng ridership ang aming iniisip... Rather than i-risk ko ang safety ng pasahero," ani Capati.

Pero ani Capati, mangangahulugan ito ng pag-ikli ng oras na mainspeksiyon nang mabuti o maisaayos ang mga tren.

Ayon pa kay Capati, hindi pa sila makakadagdag ng mga tren ngayong holiday season dahil isinasailalim pa sa rehabilitasyon ang mga riles.

Handa naman daw silang mapatakbo ang mga nai-deliver na tatlong Dalian Train sets mula sa China noong 2015.

Makakadagdag daw ito ng 10,000 hanggang 15,000 na pasaherong maseserbisyuhan ng MRT.

"We are doing our best to make sure na ma-set ang Dalian trains, hopefully this month. Kami po ay ready. We already accepted three train sets. We can readily insert as DOTR and Sumitomo agree sa mga kundisyon," ani Capati.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.