Laban kontra African swine fever sa Davao City, pinaigting

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2019 05:50 AM

DAVAO CITY—Sinisiguro ng Francisco Bangoy International Airport sa Davao City na hindi makakapasok sa kanila ang African swine fever (ASF).

Kaya mas istrikto ang ipinatutupad na inspeksiyon ng Regional Veterinary Quarantine Services ng Davao Region.

Nitong Martes ng gabi, na-hold ang 2 karton na may laman umano na karneng baka.

Base sa certificate nito, naglalaman ito ng 1,400 kilo na beef knuckle na mula Quezon City at ide-deliver sana sa isang restaurant sa Davao City.

Ayon kay Maria Teresa Bacayo ng Regional Veterinary Quarantine Services, wala umano itong shipping permit kaya hinold.

Naglagay na rin ng mga footbath sa arrival area ng domestic at international area sa paliparan. 

Naglagay na rin sila ng mga signages na nagbigay ng babala sa publiko laban sa ASF.

Nananawagan ang Department of Agriculture (DA) sa publiko na iwasan muna ang pagdala ng pork products para hindi maantala ang biyahe sa mga paliparan.

Samantala, nagtipon-tipon sa Davao City ang mga hog raiser, ahensiya ng gobyerno at lokal na pamahalaan para sa 1st Mindanao Hog Raisers Forum.

Tinuruan ang mga kalahok sa mga paraan kontra ASF.

Hinikayat ni Mindanao Development Authority (MinDA) chairman Manny Piñol ang mga LGU na magtulungan laban sa ASF.

"We are learning the lessons of Luzon. Ang ating approach dito sa Mindanao is really to coordinate with everybody," aniya.

Bilang patunay na ligtas sa ASF ang mga baboy sa Mindanao, sabay-sabay silang kumain ng lechon baboy.

Paalala naman ng Davao Hog Raisers Association, dapat ipagbawal ang pagpapakain sa mga baboy ng mga tira-tirang pagkain.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.