Polio naitala muli sa Pilipinas matapos ang halos 2 dekada

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2019 04:12 PM | Updated as of Sep 19 2019 07:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naitala muli ang kaso ng polio sa bansa matapos ang 19 taong pagiging polio-free ng Pilipinas, ayon sa Department of Health.

Ang polio ay isang nakahahawang sakit na ang ilan sa mga sintomas ay lagnat, panghihina ng katawan, pagsusuka, paninigas ng leeg, pangangalay ng mga kamay at paa.

Nakukuha ang polio kapag nahahawakan ang dumi o feces ng taong mayroon nito.

Maaaring mauwi ito sa pagkaparalisa o pagkamatay ng pasyente.

Ayon sa DOH, may kumpirmadong kaso na naitala sa Lanao Del Sur. Nakitaan din ng polio virus ang ilang water sewage samples sa Maynila at Davao.

Dati nang nagbabala ang mga eksperto sa posibleng pagbalik ng polio sa bansa lalo't bumaba ang mga nagpabakuna laban sa sakit sa mga nakalipas na taon.

Base sa datos ng DOH, nasa 66 porsiyento lamang ng target population ang nagpabakuna ng third dose ng oral polio vaccine (OPV).

Nasa 95 porsiyento ang kailangan para masigurong protektado ang mga Pilipino laban sa polio.

Maaalalang bumaba ang bilang ng mga nagpapabakuna sa bansa, na may kaugnayan sa pangamba ng publiko sa anti-dengue vaccine na Dengvaxia.

Dahil dito, nanawagan si Duque sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak kontra sa sakit.

Makikipag-ugnayan na rin ang DOH sa mga lokal na pamahalaan at iba pang mga ahensiya para agad na makontrol ang posibleng polio outbreak.

Magsasagawa ang DOH ng mga serye ng oral polio vaccinations para maprotektahan ang mga bata na nasa edad 5 pabababa.

Sa panayam sa TV Patrol, sinabi ni Duque na masusing kalinisan sa katawan ang kinakailangan para maiwasan ang polio.

"Kinakailangan pong pag-ibayuhin ang ating personal hygiene at cleanliness. 'Yong paghuhugas ng kamay ay napaka-practical na hakbang na wala naman itong gastos... at gumamit ng sabon," ani Duque.
    
— May ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.