5 barangay sa Nueva Ecija, lubog sa baha

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2019 08:08 PM

Tumaas rin ang tubig sa Labong River sa bayan ng Licab sa Nueva Ecija dahil sa pag-ulang dala ng Tropical Depression Nimfa. Larawan mula kay Bayan Patroller Eugenio Antonio

LICAB, Nueva Ecija - Binaha ang 5 barangay rito matapos ang pag-ulang naranasan simula pa Miyerkoles dulot ng Tropical Depression Nimfa na sinabayan pa ng namataang low pressure area.

Hanggang tuhod ang baha sa mga barangay ng San Jose, Aquino, San Juan, Tabing Ilog at Villarosa.

Umapaw din ang Labong River sa bayan ng Licab kaya apektado ang mga barangay na nasa tabi ng ilog.

Bumigay din ang earth dike sa Barangay San Jose na haharang sana sa tubig na nagmumula sa Aliaga, Nueva Ecija.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng licab, higit 800 pamilya ang apektado ng pagbaha pero wala pang inilikas.

Patuloy ding nakararanas ng pabugso-bugsong pag-ulan ang bayan.

Itinuturing catch basin ang bayan ng Licab ng tubig na mula sa kabudunkan ng Aliaga, Isabela, at Nueva Vizcaya.


NOTE: VIDEOS/PICS COURTESY OF EUGENIO ANTONIO, BAYAN PATROLLER

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.