Mocha Uson, dapat bang parusahan dahil sa 'sign language video?'

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2018 03:36 PM | Updated as of Jan 08 2020 04:25 PM

Kamakailan ay binatikos muli sina Communications Assistant Secretary Mocha Uson at ang blogger na si Drew Olivar matapos nilang umano’y gawing katatawanan ang paggamit ng sign language sa isang video.

Pero maaari ba silang parusahan batay sa Magna Carta for Disabled Persons?

Bagaman nakasaad sa Republic Act 9442, o sa Magna Carta for Disabled Persons, na pinaparusahan ang mga nang-aalipusta sa mga Persons With Disabilities, may ilang kundisyon pa rin ito.

Ayon kay Atty. Claire Castro, wala dapat nakikitang intensyon na magdiskrimina dahil hindi naman daw umano nilait ang mga bingi dahil sa kanilang kapansanan.

Ibig sabihin, hindi raw dapat parusahan si Uson batay sa RA 9442 dahil "walang direktang" pagmamaliit sa mga PWD sa video.

“(It’s) very subjective. Maybe may na-offend. Siguro lumaki itong situation because Mocha Uson is a public official,” ani Castro sa “Usapang de Campanilla” nitong Martes.

“Ang sa'kin, the way I see it, nag joke sila not really to offend. May mga international, local films (na gumagawa nito) but not really to ridicule… unless may isa tao silang pinoint,” dagdag niya.

Pinaparusahan lang umano ng RA 9442 ang mga direktang mang-aalipusta sa mga PWD tulad ng “sadyang” pagtutukso at pagmamaliit sa mga tao na bulag o bingi.

“Kumbaga meron kang talagang balak na maliitin,” ani Castro.

Hindi man kasuhan si Uson, iginiit pa rin ni Castro na dapat "mas maging sensitibo" si Uson bilang opisyales ng gobyerno.

Watch more in iWant or TFC.tv
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.