Ina, kinakasama tiklo sa pagbugaw sa 5 menor de edad

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2018 09:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ang isang ina at ang kinakasama nito sa Bamban, Tarlac sa pambubugaw ng tatlo niyang anak at 2 iba pang menor de edad sa internet nitong Miyerkoles. 

Ikinasa ang operasyon nang makatanggap ng ulat ang Philippine National Police Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) mula sa Norway Police. 

"May nahuli sila sa bansa nila, then based sa investigation nila dito sa Pilipinas nanggagaling 'yung images so in-engage po natin sila at nag-positive," ayon kay PNP-WCPC chief William Macavinta. 

Edad 7 anyos hanggang 15 anyos ang mga na-rescue na menor de edad, na pinapangkatan ng apat na babae at isang lalaki.

Pinaghuhubad pa umano ang mga bata para ipadala ang video at retrato sa mga parokyanong foreigner at binabayaran mula P1,500 hanggang P2,000 kada transaksiyon. 

Nakumpiska rin ang ilang computer at mga resibong hinihinalang ginagamit sa mga transaksiyon. 

Tumanggi ang mga suspek sa mga alegasyon. 

Mahaharap sa kasong human trafficking in relation to child abuse ang mga suspek, habang itu-turnover naman sa secret shelter ang limang menor de edad. 

-- Ulat ni Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.