Motorcycle rider naputulan ng binti sa banggaan sa Silang, Cavite

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2020 02:51 PM

MAYNILA - Naputulan ng kaliwang binti ang isang nagmomotorsiklo matapos mahagip ang isa ring motorsiklo at bumangga sa refrigerated van sa Aguinaldo Highway sa Silang, Cavite, Biyernes ng umaga. 

Sugatan din ang pulis na rider ng nahagip na motorsiklo. 

Sa paunang impormasyon mula kay Police Lt. Col. Pablito Nanganag, hepe ng Silang police, kapwa bumibiyahe sa southbound lane ang 2 motorsiklo na minamaneho ng pulis na si Patrolman James Kevin Cortez, 27 anyos, at Gabriel Autor, 27 din.

Ayon sa pulisya, pasado alas-10 ng umaga tumigil si Cortez at sumenyas na liliko pakaliwa para pumasok sa kampo ng Regional Mobile Force Company ng Police Regional Office 4-A sa Barangay Lalaan Uno kung saan siya nakadestino. 

Pero nag-overtake umano si Autor mula sa kaliwa at nahagip ang motorsiklo ni Cortez at nawalan nang kontrol.

Sumalpok ang motorsiklo ni Autor sa harapan ng paparating na refrigerated van na minamaneho ni Arian Hernandez. 

Nakaladkad pa ang motorcycle rider at malubhang nasugatan ang binti. 

Nasugatan din sa binti ang pulis at kapwa sila dinala sa Silang Specialist Medical center, kung saan isinailalim sa amputation ang binti ni Autor. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.