Pusa patay matapos ipagtanggol ang mga kuting laban sa cobra

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2019 04:07 PM | Updated as of Sep 18 2019 08:17 PM

Pinaniniwalaan ng pamilyang Taasan na hinarang ng kanilang pusa ang isang cobra para maproteksyunan ang tatlong maliliit na anak. Left photo courtesy of Danilo Taasan

Bayani ang turing ng isang pamilya sa alaga nilang pusa na namatay matapos kagatin ng cobra na nakapasok sa bahay nila sa Davao City.

Sinasabing kinagat ng cobra ang pusa nang pumasok ito sa bahay ng pamilyang Taasan sa Barangay 12-B.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kuwento ni Danilo Taasan, laking gulat na lang niya nang madatnang matamlay at hinang-hina ang alagang pusa noong Lunes ng umaga. Sa loob ng tatlong oras ay namatay ang pusa.

Wala naman daw siyang narinig na ingay nang mangyari ang insidente.

Hinala ni Taasan, sa leeg nakagat ang kaniyang pusa.

Pinaniniwalaan niya na hinarang ng kaniyang pusa ang cobra upang hindi ito makapasok sa loob ng bahay, at maproteksyonan din ang tatlong maliliit na anak ng pusa.

Humanga naman ang animal welfare advocate na si Sonia Tata William sa ipinamalas na sakripisyo ng pusa.

Nagpaalala naman siya sa mga pet owners sa mga dapat gawin kung sakaling makagat ng ahas ang kanilang mga alagang hayop.

Agad daw dapat dinadala sa ospital ang mga pusa lalo na kung malapit sa puso ang kagat ng ahas.

Sisiguraduhin naman ni Taasan na aalagaan ang mga naiwang anak ng namatay niyang pusa.

-- Ulat ni Berchan Angchay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.