'Matumal': Mga karinderya apektado sa pangamba sa ASF

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2019 12:18 PM | Updated as of Sep 18 2019 08:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Bagama't walang naitalang kaso ng African swine fever (ASF) sa lungsod ng Maynila, umaaray ang ilang may-ari ng karinderya dito dahil sa napabalitang outbreak ng virus sa ilang lalawigan. 

Pangunahing putahe kasi ng ilang karinderya ang mga karneng baboy, tulad na lang ng eatery ni Aldrin Arandia sa Malate.

Kuwento niya, hindi pa maubos-ubos ang mga ulam niya kahit maghahatinggabi na, di tulad ng dati. 

Kung 8 kilo kada araw dati ang binibiling karneng baboy ni Arandia, 4 na kilo na lamang ang binibili niya ngayon. Aabot din aniya ng P2,000 ang nawala sa kita niya araw-araw, at napipilitan na lang siyang dumiskarte. 

"[Nagbabawas ako] ng baboy tapos magdadagdag ng isda at gulay. Dati ang gulay ko mga 5 lang, ngayon 7. Humahanap na lang ako ng murang isda talaga tapos pusit," aniya. 

Humina rin ang benta sa karinderya ni Anthony Olano. Pero naghahain pa rin siya ng karne ng baboy dahil dati naman nang tiniyak ng Department of Agriculture na hindi malilipat sa tao ang virus nito. 

Sa kaniyang suki sa Divisoria siya bumibili para makasigurado. 

"Safe naman kasi may permit naman sila eh. Tsaka hindi naman frozen tinitinda nila, sariwa naman. Sa karne nila, makikita mo namang sariwa eh," ani Olano. 

Hindi pa ramdam ng ilang nagtitinda ng karneng baboy sa Divisoria ang epekto ng outbreak ng ASF sa kanilang lugar kaya wala pa ring paggalalaw sa presyo ng kanilang paninda. 

Aabot sa P190 ang kada kilo ng kasim at pork chop. 

Nasa P220 kada kilo naman ang presyo ng liempo, habang nasa P150 kada kilo ang presyo ng buto-buto. 

Paliwanag ng tinderang si Emy De Leon, masusi ang inspeksiyon bago makarating sa kanila ang mga paninda. 

"Kasi bago makarating dito ang baboy, katakot-takot ang inspeksiyon. Sa Bulacan lang, hinaharang ka na. kaya bago makarating dito, ayos na," ani De Leon. 

Pero sa Kamuning Market, humina pa rin ang bentahan ng baboy. 

Binabaan na ni Carmencita Ola ang presyo ng binebenta niyang baboy sa P200 hanggang P210 kada kilo mula sa dating P230 kada kilo. 

Kahit pa man may bawas sa presyo, iilan lang ang bumibili sa kaniya. 

Sa Mega Q Mart, binaba na ng ilang meat vendor sa P175 kada kilo ang presyo ng baboy pero hindi pa rin ito sapat para bumalik sa dati ang kanilang bentahan. 

Sa takot sa ASF, nagbago ng diet ang ilan gaya ni Aireen Go, isang fire rescue trainee. 

Kung dati, halos araw-arawin niya ang adobong baboy, gulay na lang ang kinakain niya ngayon. 

Pero ang magkaibinang sina Natasia Orlina at Butay Febie, patuloy pa rin silang bumibili at tumatangkilik ng mga putaheng baboy. 

Ayon sa Manila Veterinary Inspection Board, binabantayan pa rin nito ang mga pamilihan, cold storage facilities, at mga pantalan para mapigilang makapasok sa lungsod ang ano mang contaminated na karne. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.