Maliliit na hog raisers sa Iligan, kukuhanan ng insurance

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2019 07:05 PM

Walang namo-monitor na African Swine Fever (ASF) sa Iligan City pero balak pa rin ng City Agriculture Office na bigyang insurance ang mga maliliit na babuyan.

Daan-daang backyard hog raisers sa lungsod ang natatakot na malugi kapag nagkasakit ng ASF ang mga alagang baboy. Higit P30,000 rin ang mawawala sa kanila sakaling mamatay sa sakit ang apat hanggang anim na baboy.

Pero ayon sa hog raiser na si Annaliza Obaob, kahit ‘di magkasakit ang mga baboy, posible pa rin silang maapektuhan kung bababa ang presyo ng baboy dahil takot kumain ang mga tao.

Ayon naman kay City Agriculturist 1 Jay Caytor, regular ang presyo ng baboy sa Iligan dahil tiwala ang mga tao na ligtas itong kainin.

Wala naman namomonitor ang kanilang tanggapan na mga baboy na nahawaan ng sakit na ito. Nakatulong raw na galing mismo sa lungsod ang suplay ng baboy upang hindi magkaroon ng ASF ang mga baboy. 

Balak pa rin ng kanilang tanggapan na tiyaking may maipaninimula pa rin ng kabuhayan ang hog raisers sakaling makapasok ang sakit sa lungsod.

Ayon kay Caytor, kada distrito ang pagpapalista at pag-enroll sa backyard hog raisers sa Philippine Crop Insurance incorporated. Paghahanda nila ito sakaling makapasok ang sakit sa lungsod.

Hindi man nila makukuha ang kabuuang halaga ng ipinuhunan, magkakaroon pa rin sila ng magagamit upang magsimula uli sa negosyo sakaling magkasakit ang kanilang mga alaga. Libre ang isang taong insurance.

Balak rin ng local government unit na pulungin ang City Veterinarians Office, City Agriculture at iba-ibang ahensiya upang pagplanuhan kung paano maiwasan ang pagpasok ng ASF sa lungsod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.