Lalaki hinoldap ang pinapasukang fastfood restaurant sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2019 04:55 AM

MAYNILA—Arestado ang isang lalaki matapos umano nitong holdapin ang pinapasukang fastfood restaurant sa Pasay City.

Pumasok sa opisina ang 31 anyos na suspek na may dalang replika ng kalibre .45 na baril, ayon sa pulisya.

Nagdeklara ito ng holdap at inutusan ang manager na ilagay sa kaniyang bag ang pera mula sa vault.

Mabilis na umalis ang suspek dala ang bag na may lamang 2 araw na kita ng restaurant.

Natunton naman ng mga pulis ang suspek nang maireport ang panghoholdap.

Nakuha mula sa suspek ang replika ng baril, 2 cellphone, at bungkos ng pera na nagkakahalaga ng higit P400,000.

Pero ang idineklarang ninakaw na pera ng restaurant ay nasa higit P800,000 kaya inaalam pa kung saan napunta ang kalahati nito.—Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.