'Banned talaga': Mga lalawigan kanya-kanyang bantay laban sa ASF

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2019 06:03 PM | Updated as of Sep 18 2019 08:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Todo na ang paghihigpit ng iba't ibang lalawigan sa bansa para magbantay laban sa banta ng African swine fever na pumapatay sa mga baboy na matatamaan ng naturang sakit.

LAGUNA

Sa Laguna, na katabi lamang ng Rizal kung saan kumpirmadong may ASF outbreak, todo-ingat na sa pagpasok ng karneng baboy mula sa ibang lugar.

Ikaapat ang Laguna sa mga probinsiya sa Calabarzon na may malaking populasyon ng baboy.
 
Ayon sa mga awtoridad doon, ipinatupad kaagad ang ban sa pagpasok ng mga karne at buhay na baboy mula sa mga lugar na apektado ng ASF.

"Products or live animals from ASF-affected areas banned talaga, hindi namin papapasukin 'yung products at 'yung truck," ani Dr. Mary Grace Bustamante, head ng Laguna Provincial Veterinary Office.

Bawal na din maglabas ng baboy mula sa Laguna patungo sa mga apektadong lugar.

"Hindi na namin iniisyuhan ng shipping permit kasi papunta na siya sa ground zero, wala talaga movement going to that area," dagdag ni Bustamante.

Para makatiyak na walang makalulusot na mga baboy papasok ng Laguna, nagtayo na ng mga checkpoint ang Provincial Veterinary Office.

Doon, lahat ng mga truck ng baboy ay sinasabuyan ng disinfectant bago makapasok.

Ang mga baboy na galing naman sa mga hindi apektadong lugar ng ASF, kailangang may mga maipakitang shipping permit, veterinary health certificate, handler, at transport carrier certificate mula sa Bureau of Animal Industry bago makapasok sa Laguna.

Nagsasagawa na rin ng information campaign ang mga beterinaryo sa mga backyard raisers na binigyan na rin ng mga disinfectant.

BACOLOD
 
Bumuo naman ng African swine fever task force ang Bacolod para talakayin ang mga hakbang na ipatutupad nila para masiguro na mananatiling ligtas ang mga baboy sa lungsod at probinsiya.

Ayon sa City Agriculturist Goldwyn Nifras, isa sa mga hakbang na tinitingnan ng task force ay ang paglalagay ng notices sa mga pampublikong lugar kung saan pinapaalam na nananatiling ASF-free ang Bacolod.

Kasunod na rin ito ng reklamo ng mga nagbebenta ng karneng baboy na naging matumal ang bentahan dahil sa ASF scare.

Napipilitan daw ang meat vendors na babaan ang presyo ng binibentang karneng baboy.

Watch more in iWant or TFC.tv

PAMPANGA

Sa Pampanga, mahigpit ang bio-security measures na ipinatutupad ng Provincial Veterinary Office, partikular sa mga backyard raiser, para masigurong walang makakapasok na carrier ng ASF sa kanilang mga bakuran.

Matindi rin ang monitoring sa mga alagang baboy na may mga sintomas ng sakit.

Binuo na rin ang Pampanga ASF task force na siyang tututok sa prevention at control measures at paggawa ng contigency plan laban sa sakit.

BULACAN

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Guiguinto, Bulacan naman, nabulaga ang mga residente nitong Miyekoles ng madaling araw nang makita ang isang abandonadong tricycle sakay ang patay na inahing baboy na dumudugo ang ilong at isa pang naghihingalo.

Hindi pa matiyak kung saan nanggaling ang mga baboy dahil wala naman daw babuyan sa Guiguinto.

Posible raw ibibiyahe ito pero dahil naghigpit na sa lalawigan laban sa ASF ay maaaring iniwan na lang ito roon para hindi masita.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang Guiguinto Veterinary Office pero kukunin nila ang mga baboy.

Susuriin ang mga baboy kung may ASF ang mga ito.

—Ulat nina Dennis Datu, Jeck Batallones, Gracie Rutao, at Yasmin Dormido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.