Bangkang may kargang krudo at gasolina, nasunog; 7 tripulante sugatan

Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2019 07:07 PM

Nasunog ang bangkang LP Sea Express sa pier ng Barangay Consuelo sa bayan ng Cantilan. Junibert Pedrablanca

CANTILAN, Surigao del Sur - Naabo sa sunog ang bangkang LP Sea Express sa pier ng Barangay Consuelo sa bayan ng Cantilan, Miyerkoles ng madaling araw.

May kargang mga drum ng krudo at gasolina na aabot sa 30,000 litro ang bangka. 

Ayon sa saksing si Junibert Pedrablanca, nakarinig sila ng malakas na pagsabog bago pa sumiklab ang apoy.

Sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagmula ang apoy sa makina ng bangka. Dadalhin sana sa San Isidro, Siargao Island ang kargang krudo at gasolina.

"Karga nila is gasoline, doon nagstart ang pagsabog . Noong nagstart ang makina nila, hindi nila namalayan na parang sumingaw yung gasoline, parang normal na lang sa kanila iyon. Nung nagstart yung makina nila, dahil pina-start nila yun, parang nagstart tayo ng sasakyan, hindi nila namalayan siguro yung battery nila parang nag-spark konti," ayon kay SFO3 Edmundo Diaz, Municipal Fire Marshal ng Cantilan.

Nasunog ang bangkang LP Sea Express sa pier ng Barangay Consuelo sa bayan ng Cantilan.  Junibert Pedrablanca

Pitong tripulanteng sakay ng bangka ang sugatan sa insidente. Kinilala ang mga ito na sina Jovel Arcullar Dacera, June Piao Bohol, Michael Consigna, Joliver Dacera, Kevin Dacera, Joel Consigna at Erano Caindoy.

Lima sa kanila ang nagtamo ng third-degree burns at agad na dinala sa Davao City habang dinala naman sa Surigao City ang dalawa sa mga biktima.

Kinuwestyon ngayon ng BFP kung bakit nakapagkarga nang ganoong karaming krudo at gasolina sa bangka na wala namang permiso mula sa kanilang opisina.

“Siguro matagal na nilang ginagawa iyon. Talagang illegal iyon dahil patago, atsaka ang ipinagtataka ko, bakit nakapasok doon na walang pahintulot sila sa port," paliwanag ni Diaz.

Tinatayang aabot sa mahigit P2 milyon ang pinsala ng sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.