ALAMIN: Mga kontrobersiyang kinasangkutan ng bagong BuCor chief

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2019 07:06 PM | Updated as of Sep 18 2019 07:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maraming nagtaas ng kilay sa pagkakatalaga kay Gerald Bantag bilang bagong pinuno ng Bureau of Corrections (BuCor) lalo pa't inaakusahan ito ng pagpatay at pananakit sa mga preso noong warden pa lamang ito.

Agosto 12, 2016, isang granada ang sumabog sa loob ng Parañaque City Jail, kung saan 10 bilanggo ang nasawi habang sugatan naman si Bantag na siyang warden doon. 

Nais umanong tumakas ng mga namatay na inmates na may dala pa raw na mga armas at granada, at planong i-hostage ang warden.

Pero ayon sa ibang inmates, sinadya raw patayin at pasabugan ang 10 bilanggo lalo't sangkot ang mga ito sa ilegal na droga.

Kumbinsido ang mga kaanak na may foul play sa pagkamatay ng mga inmate lalo't binalaan na raw sila noon na delikado ang buhay ng mga bilanggo na dawit sa droga. 

"Naniniwala ako na sinadya 'yun. Imposible po kasi na may makapasok du'n, lalo 'yung sinabi nilang granada. Eh kahit itlog gusto nilang basagin pagpasok mo doon eh. Sobrang strict nila diyan, 'yung mga babae nga kinakapkapan ka pa, halos hubaran ka na," sabi ni alyas "Cindy," kaanak ng isa sa 10 namatay.

"Sampu silang namatay, 'yung warden hindi namatay, ano yun? Para sa akin planado 'yan," sabi naman ni alyas "Jenny."

Matapos ang imbestigasyon ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), ilang jail officers, kabilang si Bantag, ang nasibak matapos makitaan na may paglabag sa security protocol.

Nasampahan ng kasong murder si Bantag na kalauna'y bumaba sa homicide. Kasalukuyang umuusad ang kaso.

Pagkatapos sa Parañaque, tuloy ang serbisyo ni Bantag at naging warden pa ng Manila City Jail.

Oktubre 15, 2016 naman, nagpaputok ng baril si Bantag nang magkaroon ng noise barrage sa selda sa Manila City Jail.

 MGA REPORMA

Hindi pa man nagre-report si Bantag bilang bagong director general ng BuCor ay naghayag na siya ng kaniyang mga prayoridad na reporma.

Bukod sa pagsasaayos ng good conduct time allowance (GCTA), isa rin sa tututukan ni Bantag ang pagpigil sa illegal drug trade sa loob ng Bilibid.

Buo naman ang tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Bantag sa kabila ng hinaharap na kaso nito.

"I think the case is in court, he’s facing homicide charges. I don’t think that he did it... But in the meantime, gusto ko siya, kasi nagtatapon ng granada daw," ayon sa Pangulo.

Binatikos naman ni Sen. Leila de Lima ang pagkakatalaga kay Bantag. 

Napili umano ni Duterte si Bantag dahil sa kakayahan nitong pumaslang ng tao.

"If he was willing to commit murder then, he would be even more willing now. Especially since it is Duterte who controls his destiny. Duterte can make his cases go away in exchange for his unquestioning loyalty," ani De Lima sa isang pahayag.—Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.