2 patay, 14 sugatan sa salpukan ng trak, jeep sa QC

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2019 01:44 AM | Updated as of Sep 18 2019 06:56 PM

 

MAYNILA (2nd UPDATE) —Dalawa ang patay habang 14 ang sugatan matapos salpukin ng isang 10-wheeler truck ang isang pampasaherong jeep sa Quezon City Miyerkoles ng hatinggabi.

Dead on the spot ang lalaking pasahero na nagtatrabaho bilang service crew sa isang fast food restaurant. Namatay naman habang ginagamot sa ospital ang isa pang lalaking pasahero.

Ayon kay Police Staff Sgt. Andy Sotto ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector, patungong Novaliches ang jeep na may plakang NYD 783 na minamaneho ni Lewelyn Jaud.

Nagu-U-turn ang jeep sa Mindanao Ave. nang salpukin ng trak na may plakang WLF 513 na minamaneho naman ni Herjun Panero.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang mga pasahero ng jeep. Nayupi rin ang likurang bahagi nito habang basag ang windshield ng trak. Nagkalat naman sa kalsada ang mga gamit ng pasahero.

Nagtamo rin ng sugat sa ulo si Jaud habang naipit naman sa trak si Panero.

Kuwento ni Mark Gatchalian, pahinante ng trak, gagarahe na sana sila sa Valenzuela City matapos mag-deliver ng sabon sa Las Piñas City.

Giit niya, hindi inaantok si Panero at mabagal din umano ang kanilang takbo. Hindi lang daw nila napansin ang jeep at sinubukan pa nilang pumreno pero sumalpok na ito.

Nagpapagaling sa ospital ang mga sugatan habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. —Ulat nina Lyza Aquino at Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.