2 dawit sa pagbebenta ng nakaw na DepEd laptop, timbog

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2018 04:55 PM | Updated as of Sep 18 2018 08:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto ang dalawang babae sa Quezon City dahil sa pagbebenta umano ng laptop ng Department of Education (DepEd) na ipagagamit sana sa mga estudyante ng mga pampublikong paaralan, sabi nitong Martes ng mga awtoridad.

Ikinasa noong Setyembre 7 ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) at DepEd ang entrapment operation laban sa mga suspek, na ibinebenta umano ang laptop sa isang puwesto sa isang mall sa Novaliches.

Nabisto na mga nakaw na laptop ng DepEd ang mga tinda dahil may security feature ang mga computer na lumalabas ang logo ng DepEd kapag binubuksan ang mga ito.

Natangay umano ang laptop sa isang guro sa Cordillera region.

Bahagi ang laptop ng P9 bilyong proyekto ng DepEd kung saan bumili sila ng mga computer para sa may 14 milyong estudyante ng mga pampublikong paaralan.

Nasa 17 insidente na ang naitala na mga ninakaw at nawawalang computer ng DepEd, ayon sa ahensiya.

Nanawagan si Education Secretary Leonor Briones na ibalik na ang mga computer.

"Para 'yan sa mga estudyante na tinanggalan niyo ng karapatan na matuto," sabi ni Briones.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Anti-Fencing Law.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.