Trak nahulog sa bangin sa South Cotabato; 20 patay

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2019 03:01 PM | Updated as of Sep 17 2019 06:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Ang masaya sanang outing ay nauwi sa trahedya nang mamatay ang aabot sa 20 katao matapos mahulog ang isang elf truck sa bangin sa T'boli, South Cotabato nitong Martes. 

Ayon kay Police Maj. Bernie Faldas ng T'boli Municipal Police Station, nasa 20 na ang patay sa aksidente. 

Galing sa beach sa General Santos City ang elf truck na lulan ang magkakamag-anak at magkakapitbahay nang mawalan ng preno ang sasakyan sa Lambagan Lamsolome T'boli Road. 

Dahilan ito para mahulog ang trak sa bangin na tinatayang nasa 50 metro ang lalim. Sakay ng trak ang halos 30 pasahero. 

Dead on the spot ang aabot sa 15 katao, habang may limang isinugod sa Upper Valley Community Hospital sa bayan ng Surallah, pero dead on arrival din ang mga ito.

Nasa 14 naman ang nasugatan sa aksidente. 

Isinugod sa iba pang ospital sa South Cotabato ang iba pang mga biktima. Nasa pangangalaga na rin ngayon ng mga punerarya sa Surallah ang mga labi ng mga biktima. 

Bukod sa mga patay, may mga kritikal at sugatan pa sa ospital. Mayroon ding iba pang mga biktima na hindi pa nahahahanap. 

Sa ngayon, nagpapagaling pa ang iba pang sugatan sa disgrasya. Wala ring malay sa ngayon ang drayber ng trak. 

Tinitingnan ng T'boli Municipal Police Station kung may kinalaman sa kalagayan ng daan, pagkakamali ng drayber o pagkawala ng preno ang sanhi ng aksidente. 

Ang kalsada ay ang pinakamalapit na daanan papuntang Surallah mula General Santos City. 

Pero wala itong mga road barrier kaya pinag-iingat ng mga awtoridad ang mga dumaraan dito. 

-- Ulat nina Jay Dayupay at Francis Canlas, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.