'Mga heinous crime convicts kasama talaga sa makikinabang sa GCTA law'

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2019 08:59 PM | Updated as of Sep 17 2019 09:40 PM

Nilinaw ni dating Sen. Chiz Escudero na isinama talaga ng mga nagsulong ng GCTA ang mga nahatulan ng heinous crimes sa makikinabang dito. 

Binanggit ito ng dating senador at ngayon ay governor ng Sorsogon matapos ianunsiyo ng Department of Justice na hindi na kasama ang mga nakulong dahil sa karumaldumal na krimen sa mga maaaring makinabang sa pinalawig na GCTA.

"Once you are convicted, very much like the Revised Penal Code, which did not distinguish between reclusion perpetua or life imprisonment convicts and ordinary convicts, we also did not change that," ani Escudero sa programang "Headstart" ng ANC. 

Taliwas ito sa revised implementing rules and regulations (IRR) ng DOJ na nag-iitsapuwera sa mga heinous crime convicts. 

Dati nang isinisi ang GCTA law sa pagiging "malabo" at dahilan umano para makalaya ang mga heinous crime convicts tulad ni Calauan Mayor Antonio Sanchez. 

Pero nilinaw ng DOJ na ang mga nahatulan matapos maisabatas ang RA 10592 ay hindi na makikinabang. 

"Under the old law, they will continue to earn yung small-time credits given. Kasi nga, itong GCTA law that excludes them, provides the new additional expanded benefits. Itsa-pwera sila dun," ani Justice Secretary Menardo Guevarra. 

Ayon pa kay Escudero, hindi na mababawi ang pagkakaloob ng GCTA. 

Pero ayon kay Justice Undersecretary Mark Perete, diskwalipikado na sa GCTA at iba pang time allowances ang mga recidivist o iyong paulit-ulit na gumagawa ng krimen, maging ang mga tumakas sa kulungan at mga nakasuhan ng karumaldumal na krimen. 

"Doon sa totally disqualified, walang effect yung irrevocability kasi from the very beginning dapat alam nila na wala silang entitlement sa GCTA," ani Perete. 

Sa huli, Korte Suprema ang makapagsasabi kung tama ang interpretasyon ng DOJ at Department of the Interior and Local Government sa batas. 

sumulat naman ang nakapiit na Senador na si Leila De Lima kay Ombudsman Samuel Martires at iginiit na DOJ ang dapat magpaliwanag sa gulo sa GCTA law. 

"Whatever query you may have regarding the IRR, therefore, may be properly and officially answered by the DOJ and the DILG, being the institutions and agencies responsible for the implementation of the said IRR," ani De Lima. 

Sa huling tala ng DOJ, nasa 692 na ang sumuko sa 1,914 napalaya dahil sa GCTA law. 

-- Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.