Coast Guard officer huli sa nakaw na kotse sa Zamboanga City

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2019 04:12 AM | Updated as of Sep 17 2019 04:15 AM

RJ Rosalado, ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY—Arestado ang isang miyembro ng Philippine Coast Guard matapos makuhanan ng nakaw na sasakyan sa Zamboanga City Lunes ng hapon.

Ayon kay Police Maj. Elmer Solon, hepe ng Police Station 11, nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa isang ninakaw na sports utility vehicle (SUV) sa Metro Manila na posibleng dinala sa Zamboanga City.

Sa paghahanap ng mga pulis, natiyempuhan nila ang SUV sa loob ng pier at isasakay na sana sa isang barko patungong Tawi-Tawi.

Natagpuang nagmamaneho ng ninakaw na sasakyan ay ang miyembro ng Coast Guard.

Base sa naging pahayag ng suspek, napag-utusan lang umano siya ng kaniyang kaibigan na dalhin ang sasakyan mula Metro Manila papunta sa Tawi-Tawi. Wala raw siyang alam na stolen vehicle ito.

Nakausap na ni Solon ang may-ari ng SUV at sinabi nito na ilang araw nang nawawala ang kaniyang sasakyan. Pina-blotter na rin nito ang insidente sa pulisya.

Inaasahang pupunta sa Zamboanga City ang may-ari ng SUV para maghain ng kaniyang testimonya sa pagsasampa ng kasong kriminal laban sa naarestong miyembro ng Coast Guard.

Inaresto rin ng mga pulis ang isang kasamahan ng suspek na 'di umano’y may alam din sa nangyaring pagnanakaw.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis para matukoy ang iba pang kasabwat ng mga hinuli.—Ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.