ALAMIN: Sino-sino ang may 'police power' sa batas-trapiko?

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2019 03:26 PM | Updated as of Sep 17 2019 03:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa kasalukuyan, ano nga ba ang tungkulin ng pangulo sa pagpapatupad ng batas-trapiko sa bansa? Ano ang mga kapangyarihang nakaatang sa mga opisyal para masolusyonan ang problemang gaya ng pagbigat ng trapiko sa EDSA at sa mga arterial road na katabi nito?

Ayon kay Atty. Noel Del Prado, may mga tinatawag na "police powers" ang gobyerno na nagbibigay sa pangulo ng bansa at sa kanyang mga opisyal ng kapangyarihan na magbalangkas ng mga kautusan para mapabuti ang kalagayan ng mga mamamayan.

Binibigay ito ng Kongreso sa layuning masiguradong may "checks and balances" sa mga kapangyarihan ang bawat sangay ng estado.

Kasama sa mga kapangyarihan ng Office of the President ang paglalabas ng mga kautusan.

"Mayroon tayong mga batas na nagbibigay ng kapangyarihan sa Land Transportation Office sa pagpanukala at pagpapatupad ng alintuntunin sa pagpapatupad ng trapiko... Gaya ng speed limit, pagpaparehistro ng mga sasakyan at lisensiya ng mga drayber," ani Del Prado sa "Usapang de Campanilla" ng DZMM noong Martes.

"Lahat ito ay nagbibigay ng delegated na kapangyarihan kasi 'yung batas na lumikha sa LTO at magbibigay ng kapangyarihan ay nag-delegate sa LTO na magpatupad ng mga batas na ito," dagdag ng abogado.

Bukod sa Pangulo, binibigyan din ng police powers ang lokal na pamahalaan at barangay, sa ilalim ng Local Government Code.

Dito maaaring magpataw ang mga opisyal ng mga ordinansa sa kanilang mga siyudad o barangay sa layuning mapabuti ang kalagayan ng trapiko rito.

Alinsunod ang pagkakaroon ng police powers sa Saligang Batas kung saan maaari nitong "ipag-utos o ipagbawal ang ano mang nakasisira o nakapipinsala sa kapakanan, kaayusan, sa kalusugan ng ating mga mamamayan."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.