21 sugatan sa aksidente sa Lucena

Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2018 10:33 PM

LUCENA CITY - Sugatan ang 21 pasahero, kabilang na ang driver, sa salpukan ng dalawang bus sa Lucena City Lunes ng madaling araw.

Nabasag ang wind shield at nagkasira-sira ang unahang bahagi ng Amihan bus nang sumalpok sa nakaparadang Philtranco bus sa Maharlika Highway sa Lucena City.

Bago ang pagsalpok, nauna nang naaksidente sa kabilang bahagi ng kalsada ang isa pang bus na biyaheng Bicol region matapos bumangga sa mga concrete barrier.

Tumigil ang nakaparadang bus para tulungan ang naunang naaksidenteng bus pero hindi ito napansin ng paparating na isa pang bus.

"Nagkaroon tayo ng injuries sa mga pasahero ng Amihan bus kung saan 20 ang nagkaroon ng minor injuries. Sa vehicle 2, itong Philtranco na nakaparada sa right shoulder, 'yung driver po nagkaroon din ng minor injuries," ayon kay Police Superintendent Romulo Albacea, hepe ng Lucena City police.

Agad namang dinala sa malapit na ospital ang mga nasaktan at kaagad ding pinauwi matapos lapatan ng lunas.

Ayon sa pulisya, kasalukuyang ginagawa ang koordinasyon sa mga concerned agency para maiwasan ang aksidente sa lugar.

"Nakipag-coordinate na po tayo lalo ang city government office sa DPWH (Department of Public Works and Highways) para malagyan ng reflector itong concrete barriers at malagyan ng ilaw," dagdag ni Albacea.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.