Hirap na dinanas noong Marcos martial law, binuhay sa 'Lean Run'

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2017 09:26 PM

Hinaharang ng mga "pulis" ang mga nakiisa sa "The Great Lean Run"

Naging obstacle course ang bakuran ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City sa idinaos na "The Great Lean Run" nitong Sabado, Setyembre 16.

Batas Militar ang tema ng taunang karera.

Tinawag na "experiential run" ang karera dahil pinaranas sa mga kalahok ang mga naranasan ng mga nagprotesta noong panahon ng batas militar sa ilalim ng panunungkulan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Mayroong pagharang o paghabol ng mga pulis sa mga kalahok, pagtawid sa military wall, engkuwentro sa mga anti-riot squad, at pagbuga ng tubig mula sa water cannon.

Suot ng bawat kalahok ang tatlong ribbon o laso. 

Susubukan itong agawin sa kanila habang tumatakbo. 

Sinisimbolo ng mga laso ang buhay, kalayaan, at ari-arian, mga bagay na nawala raw noong panahon ng batas militar.

Ginunita ng okasyon ang ika-30 anibersaryo ng kamatayan ni Lean Alejandro, isang aktibistang mag-aaral noong panahon ng batas militar.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.