188 bahay napinsala sa Zamboanga City dahil sa masamang panahon

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2020 03:16 PM

Sa kuhang retratong ito noong Setyembre 15, kita ang pagbabaha sa Zamboanga City dahil sa sama ng panahon na nagsimula noon pang Linggo. Photo courtesy: Councilor Mark Alavar

ZAMBOANGA CITY — Nasa 188 bahay sa lungsod na ito ang napinsala dahil sa masamang panahon, ayon sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ngayong Miyerkoles. 

Sabi ng CSWDO, masamang panahon simula pa noong Linggo ang nararanasan sa lungsod dahil sa low pressure area.

Sa 188 bahay, 51 dito ang nawasak, habang ang natitira ay may mga pinsala lamang. 

Sabi ni CSWDO head Socorro Rojas, pansamantalang inilipat sa evacuation centers sa kani-kanilang mga barangay ang mga apektadong pamilya.

Ang ilan naman ay nakitira lang muna sa mga kaanak.

Nakapagbigay na rin daw ng paunang ayuda ang lokal na pamahalaan sa mga nasiraan ng bahay. 

 
—Mula sa ulat ni Leizel Lacastesantos

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.