Dating municipal administrator ng Albuera, Leyte, sugatan sa pamamaril

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2019 05:00 PM

Sugatan ang dating municipal administrator ng bayan ng Albuera, Leyte matapos pagbabarilin Sabado ng umaga.

Kinilala ng Police Regional Office 8 ang biktima na si Armando Meneses.

Nangyari ang pamamaril habang nagmamaneho ng sasakyan ang biktima sa Barangay Poblacion ng nasabing bayan.

Tatawid na sana sa national highway ang sasakyan ng biktima nang barilin ito ng lalaking sakay ng motorsiklo.

Tinamaan sa braso ang dating municipal administrator at agad naman itong nadala sa isang ospital.

Sa follow-up operation ng Albuera police, natagpuan sa Barangay Seguinon ng Albuera ang isang motorsiklo, isang green t-shirt at isang itim na helmet na posibleng ginamit ng salarin.

Si Armando Meneses ay naging municipal administrator ng Albuera noong alkalde pa si Rosa Meneses na pumalit noon kay Rolando Espinosa Sr.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya ukol sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.