7 lugar sa Luzon may ASF outbreak

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2019 05:32 PM | Updated as of Sep 16 2019 07:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Kinumpirma ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang outbreak, o pagkakaroon ng African swine fever (ASF) sa 7 lugar sa Luzon.

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni BAI Director Ronnie Domingo na tumaas ang bilang ng mga namamatay na baboy sa mga sumusunod na lugar:

ANTIPOLO 

  • Barangay Cupang 

BULACAN 

  • Guiguinto town 

RODRIGUEZ, RIZAL 

  • Barangay San Jose 
  • Barangay Macabud 
  • Barangay San Isidro 
  • Barangay San Rafael 
  • Barangay Mascap 

"Kapag sa isang lugar ay tumataas above the expected occurrence ang pagkakasakit o pagkakamatay ay puwede 'yong maituring na isang hitsura ng outbreak," paliwanag ni Domingo.

"'Yong nangyari sa Rizal, wala naman silang ASF tapos nagkaroon ng mga namamatay na baboy at nagkakasakit, so 'yon po ay maituturing na outbreak," dagdag niya.

Tiniyak ni Domingo na patuloy pa rin ang pagpapatupad ng mga hakbang ng pamahalaan para hindi kumalat ang ASF sa mga karatig na lugar. 

Watch more in iWant or TFC.tv

MGA BABOY PINATAY, MGA NAGTATAPON KAKASUHAN 

Sa Quezon City, nasa 50 baboy sa loob ng isang kilometrong radius mula sa Barangay Bagong Silangan ang kinatay para maiwasan ang pagkalat ng ASF, ayon sa alkalde ng lungsod na si Joy Belmonte.

Kasunod ito ng pagkumpirma ng mga lokal na opisyal ng lungsod na nagpositibo sa ASF ang mga patay na baboy na nahanap sa creek sa nasabing barangay.

Nauna na ring ipinag-utos ni Belmonte ang unti-unting pagpapasara sa mga babuyan dahil ilegal ang operasyon ng mga ito.

Binalaan din ni Belmonte ang mga may-ari ng backyard piggery sa lungsod na huwag itago o itakas ang mga alagang baboy. 

Nangako rin ang alkalde na bibigyan ng cash at livelihood assistance ang mga may-ari ng mga babuyang nawalan ng pagkakakitaan dahil isinailalim sa culling o pagpatay ang mga alagang baboy.

Sa Marikina City, sinabi ng alkalde na si Marcelino Teodoro na kakasuhan niya ang mga nagtapon ng mga patay na baboy sa Marikina River. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Paglabag umano ito sa Clean Water Act and Sanitation Code. 

Umabot na sa 58 ang patay na baboy na nakuhang inanod sa Marikina River.

Ipinatigil din ni Teodoro ang water activities sa Marikina River habang hinihintay ang resulta ng pagsusuri sa water samples nito. 

Samantala, 3 baboy naman ang natagpuan sa ilog sa Barangay Bulihan sa Malolos ngayong hapon ng Lunes. 

Nakasako ang mga baboy nang makitang inaanod ng mga residente.

Agad inilibing ang mga baboy dahil naagnas na pero inaalam pa ng lokal na veterinary office kung may ASF ang mga ito.

HINDI PA EPIDEMIC

Sinabi naman ni Agriculture Secretary William Dar na hindi pa maituturing na epidemic ang pagkalat ng ASF dahil kontrolado pa naman daw ang sitwasyon. 

"Kaya nga tayo nagpapa-cull ng mga baboy para hindi kumalat," ani Dar. 

Sinabi naman ng Palasyo ngayong Lunes na handa ang Department of Agriculture na tumugon sa outbreak.

"If there are isolated cases in one place then they will take care of that," ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Bagaman ikinamamatay ng mga baboy, walang epekto sa mga tao ang ASF, ayon sa mga opisyal. -- Ulat nina April Rafales, Apples Jalandoni, at Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.