15 'nakaw' na sasakyan narekober sa casino sa Parañaque

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2019 03:53 PM

MANILA - Narekober ng pulisya ang 15 hinihinalang ninakaw na sasakyan sa parking area ng isang casino sa Parañaque, Lunes. 

Hinihinalang hiniram o nirentahan ang mga sasakyan na hindi na naibalik sa mga may-ari at sa halip ay napunta o isinangla sa mga financier ng casino — na isa sa mga modus ng "rent-tangay" o "rent-sangla" scam, ayon kay police Highway Patrol Group chief Brig. Gen. Eliseo Cruz. 

Nakipag-ugnayan aniya ang mga pulis sa management ng hotel-casino para i-check kung kasama sa database ng mga nakaw na sasakyan ang mga plaka at conduction sticker ng mga abandonadong motorsiklo, sports utility vehicle, at kotse sa lugar. 

Maaaring ilang buwan o taon nang nakaparada sa casino ang mga maalikabok nang sasakyan, dagdag ni Cruz. 

Hahanapin aniya ng pulisya sa mga registered owner ng mga sasakyan.