GenSan City niyanig ng pagsabog

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2018 04:22 PM

Pito ang sugatan sa isang pagsabog na yumanig nitong Linggo sa General Santos City, ayon sa mga awtoridad.

Kinumpirma ni Chief Superintendent Eliseo Rasco, direktor ng Soccsksargen region police, na isang improvised explosive device ang sanhi ng pagsabog sa tapat ng isang lying-in clinic, o paanakan, sa Barangay Apopong. 

Isa rin umanong teroristang grupo ang nasa likod ng pag-atake, ayon kay Rasco, pero wala pang natutukoy na suspek ang mga awtoridad.

Kuwento ng isang empleyado ng klinika, bago ang pagsabog, nakita niyang nag-iwan ng bag sa harapan ng klinika ang dalawang lalaking lulan ng motorsiklo.

Nagtanong pa raw sa kanilang klinika ang isa sa mga lalaki kung saan maaaring bumili ng baboy sa lugar.

Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa lugar na pinangyarihan ng pagsabog.

Kinondena naman ng Malacañang ang insidente. -- May ulat ni ‎Yen Mangompit, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.