Higit 200 NPA, iba pa sumuko sa Agusan del Norte

Lorilly Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2019 05:33 PM

Higit 200 na rebelde mula NPA at iba pang grupo ang sumuko sa bayan ng Remedios T. Romualdez sa Agusan del Norte nitong Sabado, Sept. 14, 2019.

Sumuko sa pamahalaan ang 219 na miyembro ng mga rebeldeng grupo, kagaya ng New People's Army (NPA), Underground Mass Organization at Militia ng Bayan, sa bayan ng Remedios T. Romualdez sa Agusan del Norte nitong Sabado.

Sumuko ang mga rebelde sa ginanap na provincial peace and order council immersion sa nasabing bayan.

Karamihan sa mga nagbalik-loob ay ang mga residente ng Barangay Balang-Balang, San Antonio at Tagbungabong.
 
Si alyas Jun, kwinento niya na 3 taon siyang kasapi ng rebeldeng grupo. Nagdesisyon itong umalis at magbalik-loob sa gobyerno dahil sa hirap na kaniyang dinanas sa bundok.

"Dahil wala kaming kinabukasan doon sa bundok kaya umuwi ako. Hindi namin nakamit ang hinahangad," aniya.
 
Nagsisisi naman si alyas Ben na dating miyembro ng Militia ng Bayan sa pagbibigay niya ng suporta sa rebeldeng grupo na, ayon sa kaniya, wala namang naidulot na kabutihan sa kaniya at sa komunidad.

"Nagsisi kasi hindi maganda ang trato nila sa amin, sa akin. Kung gusto mo ng pagbabago, ito na ang panahon para sumuko at magbalik sa gobyerno," aniya.
 
Ayon sa mga opisyal na dumalo, mahirap makamit ang kapayapaan at kaunlaran sa isang lugar kung mayroon pang NPA sa paligid.

Hinikayat ng pamahalaan na sumuko na ang mga miyembro ng NPA para mamuhay sila ng matiwasay kasama ng kani-kanilang pamilya.
 
Iba’t ibang serbisyo naman ang binigay ng pamahalaan, kagaya ng libreng check-up at gamot, cardiopulmonary resuscitation training, bunot ng ngipin, libreng massage, at livelihood training.
 
“Ito, nag-aapela talaga ako. Wala namang rason na hindi sila magbabalik sa gobyerno kasi hindi naman talaga kalaban ang gobyerno. In fact, noong piñatas ko ang mga kamay nila karamihan sa kanila bumoto nga e, kaya andito kami dahil sa kanila”, ani Agusan del Norte Rep. Maria Angelica Amante-Matba.

Bukod dito, sinunog din ng mga dating NPA at ibang rebelde ang bandila nila at nagdeklara ng persona non grata ang mga barangay laban sa mga rebelde.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.