Alkalde ng Baguio pabor sa 3-taong pagpapasara sa Kennon Road para sa rehabilitasyon

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2019 04:45 PM

MAYNILA - Sang-ayon si Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa planong pagpapasara ng tatlong taon sa Kennon Road para bigyang-daan ang kabuuang rehabilitasyon nito.

"I'm glad na finally pinag-iisapan nila isara 'yan ng 3 years," sabi ni Magalong sa panayam sa DZMM Sabado ng umaga.

Ayon kay Magalong, mga tatlong linggo na ang nakaraan nang magsagawa sila ng inspeksiyon sa lugar dahil nagtataka aniya sila kung bakit matagal ang rehabilitasyon sa Kennon Road.

"Nakita namin kung ano ang problema especially doon sa mga very unstable 'yung slopes. In fact, there are 21 critical points sa buong Kennon Road na talagang very unstable 'yung slopes dyan," sabi ni Magalong.

Madalas ipasara ang Kennon Road tuwing tag-ulan dahil sa mga landslide.

Base pa sa kanilang structural engineers, may mga disenyo rin na mali lalo sa gilid ng Benguet area.

"Mali 'yung design ng engineers natin sa rehabilitation ng slopes, at the same time, talagang unstable 'yung ground," sabi niya.

Dagdag ng alkalde na karamihan sa mga slope na nage-erode sa natukoy na critical points ay may human activity.

"Mayroong mga babuyan na na-saturate ng tubig 'yung soil, mayroong garden, mayroong ginagawang kalsada sa taas na our public highways (Department of Public Works and Highways) were not even aware...ang dami rin problema talaga doon," sabi pa niya.

Matapos aniya ang pag-inspeksiyon sa lugar ay nagkaroon ng pagpupulong ang lahat ng ahensiyang tumitingin sa rehabilitasyon ng Kennon Road.

Ibinahagi rin ni Magalong na dati nang inirekomenda ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ang pagpapasara sa Kennon Road ng 15 taon.
 
"Pabagsakin na lang muna lahat. Stabilize muna ang slope, walang dadaan para safe lahat," sabi niya.

Batid ni Magalong na magkakaroon ng malaking epekto ang pagpapasara sa Kennon Road hindi lamang para sa mga motorista, maging sa mga komunidad sa paligid ng lugar.

"We simply have to bite the bullet para masiguradong wala nang disgrasyang mangyayari doon," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.