Koreano arestado sa pagnanakaw umano sa convenience store sa Bacoor

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2019 03:23 PM | Updated as of Sep 13 2019 11:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto ang isang Koreano matapos umano magnakaw ng pagkain sa isang convenience store sa Bacoor City, Cavite, sabi ngayong Biyernes ng pulisya.

Nagkakahalaga ng P3,000 ang tsokolate at iba pang food items na tinangay umano ni Han Young Jun, 49, sa establisimyento sa Barangay Niog 2 noong gabi ng Martes, ayon kay Police Lt. Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police.

Kinuha raw ni Han ang mga food item at inilagay sa kaniyang shorts bago umalis ng tindahan nang hindi nagbabayad.

Kinompronta naman ng empleyado ng convenience store si Han.

"Ang sabi nagpambuno sila sa convenience store dahil nanguha raw ng mga paninda at hindi binayaran," ani Cabatingan.

Nakuhanan ng surveillance camera ng establisimyento ang krimen.

Hawak ng pulisya si Han na nahaharap sa kasong theft.

Noong 2015, naaresto rin si Han matapos umano magnakaw ng mga gamit na nagkakahalaga ng P5,000 sa isang shopping mall sa Bacoor City.

Muli siyang nakulong noong 2017 nang magnakaw ng P1,000 halaga ng tsokolate at toiletries sa isa pang shopping mall sa lungsod.

Dating car dealer si Han sa South Korea bago dumating sa Pilipinas noong 2015.

Nakipag-ugnayan na ang Bacoor police sa embahada ng Korea sa Pilipinas ukol sa kaso ni Han.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.