2 pasaherong nangholdap sa taxi driver, timbog

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2019 10:55 AM

Nasugatan ang taxi driver matapos salagin ang kutsilyo ng mga suspek.

DAVAO CITY – Nakaligtas ang isang 68-anyos na taxi driver matapos maging biktima ng panghoholdap ng 2 lalaking kaniyang naisakay, Miyerkoles ng madaling araw.

Ayon sa biktima, sumakay ang mga kawatan sa R. Castillo, Agdao at nagpahatid sa Nova Tierra Village sa Lanang kung saan doon nagdeklara ng holdap.

“Tinabunan nila ako ng towel tapos buti na lang nakalabas ako sa taxi at dito na nagrambolan na kinuha nila ang wallet ko,” kuwento ng biktima.

Sugatan sa kamay ang driver sa pagdepensa nito sa sarili laban sa mga suspek na may kutsilyo.

Ayon sa Sasa Police, naaresto ang 19-anyos na lalaki at menor de edad na kasabwat nito dahil nakapagsumbong agad ang bikitma sa guwardya ng subdivision na siya namang tumimbre sa pulisya.

Nabalian pa ng kanang kamay ang menor de edad na suspek matapos silang kuyugin ng mga residente.

Kinasuhan ng robbery hold-up ang 19-anyos na suspek habang ibinigay sa kustodiya ng City Social Service Development Office ang kasama nitong menor de edad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.