Kotse nagliyab sa Iloilo

Jennifer Garcia Hernandez, ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2019 06:31 PM | Updated as of Sep 12 2019 07:16 PM

Nakita ng mga residente na umuusok ang hood ng kotse bago ito tuluyang nagliyab. Larawan mula kay Marjoe Zurc


OTON, Iloilo – Isang sasakyan ang biglang nagliyab sa Barangay Buray sa nasabing bayan, Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa ilang mga residente sa lugar, kalalabas lamang ng kotse mula sa isang subdivision nang makita nilang umuusok ang hood nito.

Pagdating sa highway ay bigla na lang sumiklab ang malaking apoy. 

Mabilis na nakalabas ang 19-anyos na pasahero at 22-anyos na driver ng kotse.

Sabi ni Fire Officer 1 Jeckyll John Tangente ng Oton Fire Station, mga residente sa lugar ang nag-abiso sa driver na umuusok ang kotse kaya’t itinabi ito sa gilid ng kalsada.

Agad rumesponde ang fire truck ng Oton Fire Station para apulahin ang apoy.
 
Pero nagkaroon ng problema ang nozzle ng fire hose at kinailangang magpalit ng spare kaya naantala ng ilang minuto ang pag-apula sa apoy.

Iniimbestigahan pa ng Oton Fire Station kung ano ang dahilan ng pagkasunog ng kotse. 

Ayon sa impormasyon, matagal na hindi nagamit ang sasakyan bago mangyari ang sunog. 

Tinatayang aabot naman sa P300,000 ang halaga ng nasira sa kotse. 

Paalala ng mga bombero sa mga may sasakyan na ugaliing i-check ang electrical, brake, at iba pang bahagi ng behikulo bago ito gamitin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.