Habagat nagdulot ng pagbaha sa ilang lugar sa Puerto Princesa

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2019 08:54 PM


PUERTO PRINCESA CITY – Ilang bahagi ng lungsod ang binaha matapos bumuhos ang malakas na ulan dulot ng habagat.

Sa datos ng PAGASA, umabot sa intense hanggang torrential level ang lakas ng ulan sa lungsod na nasa 86 millimeters. 

Binaha muli ang mga dati nang binabahang lugar kagaya ng San Manuel National Highway.

Isang basketball court sa UHA Road sa Barangay Tiniguiban naman ang nagmistulang swimming pool.

Ilang mga bahay rin ang pinasok ng tubig baha. 

Humupa ang baha bandang tanghali.

Ayon sa mga residente, matagal na nilang problema ang baha kapag umuulan dahil sila ang binabagsakan ng tubig mula sa mga matataas na lugar. 

Kawalan ng drainage at baradong mga kanal ang itinuturong dahilan kung bakit nagbabaha sa kanilang lugar.

Ayon naman sa lokal na pamahalaan, nakikita nila na dumadaloy naman ang tubig at hindi rin nagtatagal. Sa ngayon kasi ay kanilang inuunti-unti ang paglalagay ng drainage. 

Nauna na dito ang Barangay San Pedro.

Sa Barangay San Manuel naman, isang establisimyento ang nagdulot umano ng problema dahil sa pagharang nito sa isang water outfall, o labasan ng maruming tubig.

Nirekomenda ng lokal na pamahalaan na gumawa na muna ng report tungkol dito. Kung wala pa umanong aksyon, titibagin ang nasabing outfall.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.