Pagsasara sa Old Sta. Mesa Bridge, hinto muna dahil kay 'Ompong'

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2018 06:50 PM | Updated as of Sep 12 2018 08:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maaaring maantala ang nakatakdang pagsasara ng Old Sta. Mesa Bridge sa Sabado dahil sa inaasahang masamang panahong dala ng bagyong Ompong, sabi nitong Miyerkoles ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) general manager Bong Nebrija. 

Nakapasok na nitong hapon ng Miyerkoles sa Philippine area of responsibility si Ompong (na may international name na Mangkhut) na sinasabing "pinakamalakas na bagyo na dumadaan sa ating bansa ngayong taon."​

Dahil sa inaasahang matinding pag-ulan, posible umanong maudlot ang pagpapasara sa Old Sta. Mesa Bridge, na nakatakda sana sa Sabado.

Ipupuwesto na kasi dapat ang mga naglalakihang barge dala ang mga equipment sa pagkumpuni sa naturang tulay pero haharang lang daw ito sa daluyan ng tubig kapag humagupit si Ompong.

Hindi naman sinabi ng MMDA kung maaantala rin ang pagsasara sa Nagtahan Bridge. 

Nauna nang mag-abiso ang MMDA sa mga motorista na asahan ang pagsikip sa daloy ng trapiko sa ilang kalsada sa Kamaynilaan hanggang sa susunod na taon dahil sa pagsara at pagkumpuni sa dalawang tulay. 

Tiniyak naman ng MMDA na handa sila sa bagyong Ompong, at maayos ang kanilang pakikipag-ugnayan sa ibang ahensiya ng gobyerno at mga pamahalaang lokal.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.