Napoles nakalista sa mga lalaya sana dahil sa GCTA

Henry Omaga Diaz, ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2019 06:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa harap ng kontrobersiya ukol sa good conduct time allowance (GCTA) , lumalabas na kasama rin sa listahan ng mga dapat palalayain si Janet Lim Napoles.

Batay ito sa listahan na hawak ng Senado ng mga pinalayang inmates dahil sa GCTA. 

Maaalalang nasentensiyahan ng habambuhay na pagkakakulong noong Disyembre 2018 si Napoles sa pagdaan ng milyon-milyong priority development assistance fund (PDAF) ng ilang kongresista sa kaniyang mga bogus na non-government organizations. 

Kabilang sa nasangkot dito sina Sen. Bong Revilla na naabsuwelto, at dating mga senador na si Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada. 

Sa listahan ng Bureau of Corrections, makikita ring rape ang kasong kinahaharap ni Napoles, na ikinadismaya ni Senate blue ribbon committee chairman Richard Gordon. 

"The next question is we want to see whether they have already a recommendation for early release. That is already a recommendation for release andiyan na siya (Napoles) sa listahan," ani Gordon sa ABS-CBN News. 

Kinwestiyon din ni Gordon kung bakit nabago ang mga kasong ikinahaharap ni Napoles sa listahan. 

"Bakit nila pinapalitan 'yung charges? Paano naman makakapag-rape si Napoles?" 

Ipasusuri ng Department of Justice (DOJ) kung bakit nasama si Napoles sa listahan, ayon kay Justice Undersecretary Deo Marco, na namumuno sa komite na nag-aaral ng regulasyon sa BuCor. 

"Kung talagang andiyan po ang name ni Janet Lim Napoles, ipapa-check ko po sa BuCor iyan kung bakit rape ang crime na nakalagay diyan. Siguro kailangan nating i-verifyiyan sa BuCor to investigate kung paano siya nasama sa listahan with a crime she supposedly did not commit," ani Marco. 

Base naman sa pagsusuri ng ABS-CBN Investigative and Research Group, lumalabas na mali-mali ang mga nasa listahan ng mga pinalaya sa ilalim ng GCTA. 

Ilan dito ay parehong mga pangalan, pero magkakaiba ang prisoner number. 

Mayroon ding mga sinasabing pinalaya, pero lumalabas sa pagsasaliksik na matagal na silang dapat palayain dahil acquitted na o naabsuwelto na sila ng korte. 

Maski ang Philippine National Police daw ang nagrereklamo sa mali-maling listahan ng BuCor, ayon kay Marco. 

Ayon sa DOJ, maaaring magpalabas sila ng mas maayos na listahan kung saan nakalagay ang mga napalaya na dahil sa GCTA. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.