Kagawad, 7 iba pa, huli sa sinalakay na saklaan sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2018 05:56 PM | Updated as of Sep 10 2018 09:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang walo katao, kabilang isang barangay kagawad, nang salakayin ang isang saklaan sa Tondo, Maynila.

Nagpulasan pa ang ilan sa mga naglalaro nang salakayin noong Huwebes ng mga operatiba ng NBI Anti-Organized and Transnational Crimes Division ang pasugalang itinayo sa bangketa sa tapat lang ng isang barangay hall sa Tondo.

Kabilang sa mga nahuli ang kagawad na si Leonardo Munera at pito pang naglalaro at nagpapatakbo ng saklaan.

Itinanggi naman ni Munera na nagsusugal siya at sinabing napadaan lamang siya sa saklaan.

Ayon sa NBI, si Manila Mayor Joseph Estrada mismo ang nag-request sa NBI na salakayin ang saklaan.

May impormasyon daw kasi na pinoprotektahan ng ilang lokal na opisyal at pulis ang pasugalan.

Modus din umano ng mga nagpapatakbo ng saklaan na maglagay ng tarpaulin ng patay kahit wala naman talagang burol.

Ayon sa NBI, bagaman tradisyon na ng marami ang magsugal sa mga burol, malinaw daw na ipinagbabawal ito sa batas.

Iniimbestigahan naman ang kapitan ng barangay at mga pulis na sinasabing protektor umano ng sugalan. --Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.