Traffic enforcer timbog sa pangingikil sa Pasig

ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2019 02:22 PM | Updated as of Sep 09 2019 03:42 PM

Natimbog noong Linggo sa Pasig City ang isang traffic enforcer matapos ireklamo ng pangingikil sa mga motorista.

Sa ulat ng Pasig City police, kinilala ang suspek bilang si Rante Caberto, 36, miyembro ng Traffic Parking Management Office ng lungsod.

Hinuli si Caberto matapos tanggapin ang marked money mula sa mga complainant bandang alas-6 ng gabi sa may Ortigas Avenue Extension, Barangay Ugong.

Sakay ng motorsiklo noong alas-5:30 ng hapon ng Agosto 31 ang 2 complainant nang hulihin sila ni Caberto dahil sa pagmamaneho nang walang helmet.

Nanghingi umano ng P2,000 ang suspek mula sa mga complainant pero P1,400 lang ang naibigay ng mga ito, ayon sa ulat ng pulisya.

Dahil kulang, kinumpiska ng suspek ang cellphone ng isa sa mga complainant at humingi ng P500 kapalit ng cellphone.

Idinulog ng mga complainant ang nangyari sa Pasig City police na nagkasa ng entrapment operation laban sa suspek.

Nakadetene sa Pasig City Custodial Facility si Caberto, na mahaharap sa kasong robbery with intimidation o extortion.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.