Lalaki patay sa pamamaril ng pinsan sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2019 06:03 PM | Updated as of Sep 09 2019 07:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Napatay nitong umaga ng Lunes sa Tondo, Maynila ang isang lalaki matapos umanong pagbabarilin ng nakaalitan niyang pinsan.

Bandang alas-9 ng umaga nang magbarilan ang magpinsang sina Rommel Reyes at Joey Moral dahil sa dating away at saksakan ng kanilang mga anak.

Bumagsak si Reyes matapos tamaan ng bala sa tiyan, at tuluyang nasawi nang barilin nang malapitan sa ulo ni Joey, na isang barangay tanod.

Nasugatan naman sa insidente ang pamangkin ni Joey na si Elmo Moral matapos tamaan ng bala sa kamay.

Inamin ni Joey ang pagpatay sa pinsan at nanindigang hindi siya hihingi ng tawad sa pamilya nito.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nag-ugat ang barilan sa dating away at saksakan ng mga anak nina Reyes at Joey sa isang pista noong Mayo.

Bagaman nangatuwiran ng self-defense si Joey, kinasuhan pa rin siya ng mga kaanak ng murder.

Ayon naman kay Police Capt. Joseph Jimenez, kabilang sa drugs watch-list ang nasawing si Reyes.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.