Lalaki binaril ang tiyahing ayaw magpautang

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2019 10:13 PM

CAGAYAN DE ORO CITY - Huli na ang pagsisisi para sa 25 anyos na si alyas "Felix" matapos niyang barilin ang tiyahin sa Barangay Tagpangi, Cagayan de Oro City Linggo ng hapon.

Sa imbestigasyon ng mga pulis, kausap ng kaniyang tiyahin ang dalawa niyang kaibigan nang umalingawngaw ang putok ng baril.

Ayon sa imbestigador na si Police Staff Sergeant Francis Marianas ng Lumbia Police, sa pangalawang putok na namalayan ng biktima na siya na pala ang puntirya ng namaril. Agad itong nakatakbo at nagtago.

"Napansin ng biktima ang suspek na nasa bintana ng kanilang bahay hawak ang kaniyang baril," ani Marianas.

Agad niyang isinumbong sa mga pulis ang namaril na si Felix kaya agad itong nahuli.

Narekober din ng mga pulis ang improvised 22-millimeter rifle mula sa suspek.

Inamin ng suspek na nagalit siya sa kaniyang tiyahin nang tumanggi itong pautangin ang kaniyang asawa na pinagbabantay niya ng tindahan.

"Hindi ko naman talaga siya papatayin, gusto ko lang siyang takutin dahil 'di niya pinautang ang asawa ko," aniya.

Ayon sa pulis, desidido ang biktima na sampahan ng kasong attempted murder ang suspek, na nahaharap rin sa kasong illegal possession of firearms.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.