Lacson sa BuCor legal chief: Nagdodroga ka ba?

ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2019 08:39 PM | Updated as of Sep 09 2019 10:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hinarap ngayong Lunes ni Sen. Panfilo Lacson ang isang opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) matapos umanong makatanggap ng ulat na lumalahok ito sa drug sessions kasama ang mga Chinese drug lord.

Lumabas ito sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate committee on justice kaugnay ng isyung bentahan umano ng good conduct time allowance (GCTA). Bukod sa isyung paggamit daw ng droga ng BuCor official, lumabas din sa pagdinig ang isyu sa patuloy na pagpasok ng mga kontrabando gaya ng mga cellphone kapalit ng pera.

Tinanong ni Lacson si Frederic Anthony Santos, ang legal chief ng BuCor, kung gumagamit ba ito ng droga kasama ang mga drug lord sa Building 14 ng New Bilibid Prison.

"Baka makakuha kami ng ebidensiya at maipakita ko, baka lying ka naman. I almost have it, I’m telling you," sabi ni Lacson kay Santos.

Itinanggi ni Santos na gumagamit siya ng ilegal na droga.

Lumutang ang isyu ng bentahan sa GCTA kasunod ng muntikang paglaya ng rapist-killer na si Antonio Sanchez dahil sa good conduct.

Si Sanchez ang dating alkalde ng Calauan, Laguna na nahatulang guilty sa panggagahasa at pagpatay kay Eileen Sarmenta, at pagpatay sa kasamahan nitong si Allan Gomez noong 1993.

KONTRABANDO NAKALULUSOT PA RIN

Pinuna rin ni Lacson ang umano ay laganap na paggamit ng cellphone ng mga nakapiit sa Bilibid.

Ilang cellphone ang nakuha sa pagsalakay kamakailan sa mga selda sa Bilibid, kabilang ang cellphone na pag-aari ng carnapping suspect na si Raymond Dominguez, ayon kay Lacson.

Nakapag-post pa raw sa Facebook si Dominguez ng mga retrato kasama ang kaniyang nobyang si May Escasinas, ayon kay Lacson.

"Blatantly they are announcing to the whole world," ani Lacson.

"Is this the kind of strictness in the policy of containing the entry or preventing the entry of contraband items especially cellphones?"

Nakatanggap din si Lacson ng impormasyon na may iba pang high-profile inmates sa Bilibid na nagpo-post sa Faceook.

Ayon naman kay Volunteers Against Crime and Corruption President Arsenio Evangelista, sinabi raw sa kaniya ni Philippine Drug Enforcement Authority chief Aaron Aquino na binabayaran ng mga inmate ang mga opisyal ng BuCor para makagamit ng mga cellphone.

Hindi raw bababa sa P2 milyon ang ibinabayad ng mga preso para makagamit ng smartphone. Pinapatay din daw
ang mga signal jammer ng mga kasabwat na tauhan ng BuCor.

Sa pamamagitan ng paggamit ng cellphone, maaari raw ipagpatuloy ng mga nakulong nang drug lord ang pangangasiwa sa operasyon ng kanilang mga sindikato, ani Evangelista.

GCTA FOR SALE

Samantala, humarap din ngayong Lunes sa Senado ang mag-live-in partner na sina Yolanda Camilon at Godfrey Gamboa.

Direktang idiniin ng dalawa sina Corrections Senior Ins. Maria Belinda Bansil at Corrections Officer 3 Veronica Buño bilang runner umano ni Staff Sgt. Ramoncito Roque, ang pinuno ng BuCor Documents Division.

Nanghingi raw si Roque kina Camilon at Gamboa ng P50,000 kapalit ng paglaya sana ni Gamboa gamit ang GCTA.

Pero hindi nangyari ang pangakong Marso 1, 2019 release at hindi na rin isinauli nina Roque, Bansil at Buño ang P50,000 na ibinayad.

"Sabi ko sa asawa ko, 'Bawiin mo na 'yong pera dahil wala naman silang ginawa,'" ani Gamboa.

Iginiit naman ni Roque na tinanggihan niya ang alok na pera ni Camilon pero mapilit lang ito at iniwan sa kaniya ang sobre.

Makaraan daw ang 4 na araw, isinauli ni Roque ang sobre kay Camilon.

Mariing itinanggi ni Buño ang pag-follow-up sa hulog ni Camilon sa hinihingi nilang P50,000 para sa GCTA.

Kaya ipinarinig ni Camilon ang bahagi ng ni-record niya umanong pag-uusap nila ni Buño sa telepono. Itinanggi ni Buño na siya ang nasa recording.

Isasailalim sa voice recognition ang recording, ani Senate President Tito Sotto.

Pinuna rin ni Sotto ang pagbura ni Buño ng mga mensahe sa cellphone nito.

Sa ambush interview, sinabi ng nagbitiw na BuCor chief na si Nicanor Faeldon na naniniwala siyang may nagbebenta ng GCTA.

Matapos bisitahin ang BuCor ngayong Lunes, ibinunyag ni Sen. Bong Go na may mga inmate na inilipat sa New Bilibid Prison Hospital sa pamamagitan ng pagpeke ng kanilang mga sakit at pagbili ng umano'y hospital pass mula sa mga tauhan ng BuCor.

-- Ulat nina Sherrie Ann Torres at Dharel Placido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.