Dating Daraga mayor Carlwyn Baldo, nakalaya na matapos magpiyansa

Jose Carretero, ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2019 05:48 PM | Updated as of Sep 09 2019 08:14 PM

Pamilya Batocabe, ikinabahala ang paglaya ni Baldo

(UPDATE) Nakalabas na ng kulungan si dating Daraga Mayor Carlwyn Baldo, Lunes.

Ayon kay Jail Senior Inspector Rodolfo Verzosa, alas-4 ng hapon nang matanggap ng pamunuan ng Legazpi City jail ang release order kay Baldo na pinirmahan ni Regional Trial Court (RTC) Branch 10 Judge Ma. Theresa Loquillano.

Sinundo ang dating mayor ng kaniyang ina, asawa, kapatid na si Camalig Vice Mayor Ahrdail Baldo, at abogadong si Atty. Lovensky Fernandez.

Mayo 10 ngayong taon nang ma-detene sa Legazpi City Jail si Baldo dahil sa kasong double murder at six counts ng attempted murder.

Noong Agosto 29, nagpalabas ng kautusan si Loquillano na maaaring magpiyansa si Baldo dahil sa mahinang ebidensya sa kaso.

Pero hindi siya nakalabas noong nakaraang linggo dahil naka-leave si Loquillano. Ang executive judge ng RTC na si Judge Elmer Lanuzo ang nagdesisyon na ipaubaya ang pagpirma ng release order kay Loquillano.

Samantala, ikinabahala ng pamilya Batocabe ang pansamantalang pagpapalaya kay Baldo.

Ayon kay Justin Batocabe, ang anak ng pinaslang na kongresistang si Rodel Batocabe, ikinagulat nila ang nangyaring paglaya ni Baldo.

Nagulat rin sila sa mabilis na pagbasura ng hukom sa kanilang motion for reconsideration na humihiling sa korte na bawiin ang naunang desisyon nitong payagang makapagpiyansa si Baldo.

Si Baldo ang itinuturong mastermind sa pagpatay kay Batocabe at sa police escort nito na si SPO2 Orlando Diaz noong December 22 sa Barangay Burgos Daraga, Albay matapos ang gift-giving activity sa mga senior citizen.

- may ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.